Ang Information for Foreigners ay isang interactive na dula na pumapaksa sa pang-aapi at pang-aabuso sa mga sibilyan. Mula sa Argentina, binago ang dula para maging angkop sa lokal na setting.
Linalarawan nito ang pagkawalan ng katarungan mula noong panahong diktaturang Marcos hanggang sa kasalukuyan.
Sa bawat eksena ay pinakita ang iba’t ibang karahasan sa iba’t ibang mukha – aktibista man, babae o simpleng magsasaka.
Unang pinakita ang eksperimentong ginawa sa Yale University kung saan kinukuryente ang isang estudyante kapag hindi siya sumagot ng tama sa mga tinatanong sa kanya.
Sumunod dito ang mga kuwento ng mga dinukot, tinortyur at pinatay na mga sibilyan katulad ni Jonas Burgos, isang simpleng magsasakang dinukot at hinihilaang pinatay ng mga militar. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang paghahanap ng mga ina’t kapatid sa kanya.
Iba’t ibang paraan ng pang-aabuso ang ipinakita sa dula. Isa na lamang ang submarine na kung saan inilulublob ang mukha ng isang babaeng sa isang batsa ng maruming tubig. Itinortyur rin siya sa pamamagitan ng watercure kung saan may nakatakip na basahan sa mukha at binubuhusan siya ng tubig sa bibig habang nakatingala siya - hanggang siya’y malunod.
Sa katunayan, ang ganitong karahasan ay isinagawa noong panahon ng mga Amerikano para kwestyunin at parusahan ang mga tulisan, ang mga patuloy na nag-alsa laban sa mga kolonyal. Matapos ng maraming taon, isinagawa rin ang watercure noong Batas Militar sa mga taong lumalaban sa gobyernong Marcos.
Maliban dito, isang paraan din ng pagtortyur ang pagkulong sa loob ng magkakapatong na gulong. Ito ay ginawa sa aktibistang taga-UP na nagngangalang Shirley, na hanggang ngayon ay nawawala pa rin.
Mula noong panahon ng Batas Militar at hanggang sa kasalukuyan, mapapansin ang pagkawalan ng hustisya sa mga biktima. Walang tigil ang mga pamamaslang, pagdukot, pagtortyur, at ang mga iligal na armas sa mga pribadong hukbo ng mga naghahariang politiko.
Ang pamagat na “Information for Foreigners” ay tila isang sarkastikong paglahad ng “Pilipino ka ngunit hindi mo alam ang mga pangyayari sa lipunan mo.” “Hindi mo alam ang iyong kasaysayan - nananatili kang bulag at bingi.” Ang dulang ito ay naghihikayat sa mga manonood at lalo na sa mga kabataan na magisip at alamin ang sarili nating istorya, ang realidad, ang mga karahasang napadama sa ating mga kababayang Pilipino.
Hindi kailangan maging eksperto sa kasaysayan ng Amerika o sa Pilipinas ngunit ang mahalaga ay alam ng isang Pilipino ang kanyang kasaysayan at ang kasaysayan ng mga tao sa buong mundo dahil ang lahat ay mag shared history ng opresyon at kawalan ng hustisya
Sa kabuuhan, ang dula ay isang lakbay sa kasaysayan ng ating lipunan na nagpipinta ng mga bangunguot na ating nadama at patuloy na nadadama.
Inilarawan ng dulang ito ang realidad na nangyayari sa normal na araw – mga taong dinidukot, dumadaming armas at mga inang patuloy na naghahanap sa kanilang mga anak.
Hangga’t hindi nahuhuli at napaparusahan ang mga kriminal, mananatiling bihag ng kasakiman ang taumbayan.
Hangga’t walang hustisya, hangga’t walang kapayapaan, maari natin sabihing hindi pa talaga malaya ang Pilipinas.
Kailangan ipaglaban ang kalayaan.
No comments:
Post a Comment